adsgoogle
5 miyembro ng Budol-budol at Dugo-dugo gang, timbog
Caloocan City – Arestado ang limang miyembro ng Budol-budol at Dugo-dugo gang sa ikinasang entrapment operation ng mga operatiba sa Maria Clara St, Caloocan City.
Sa ulat ng mga pulis, naaresto ang mga suspek sa sumbong ng isang negosyanteng si Robert Barit Y Cabanting, 36-anyos.
Pinagbentahan kasi ng isang suspek na nagpakilala lamang bilang “Harold” si Cabanting ng isang gintong singsing sa halagang P15,000 nitong Miyerkules. Nang ipatingin ng biktima ang nabiling gintong singsing sa sanglaan, dito napag-alaman na peke ang singsing dahilan para magtungo siya sa QCPD Station 4 Novaliches, Quezon City.
Nitong Huwebes, muling kinontak ng suspek na si “Harold” si Cabanting para alokan ng relong rolex ang biktima sa halagang P30,000 at nakikipagkita sa Puregold Monumento, Caloocan City.
Dito nagkasa ng entrapment operation ang mga operatiba ng DSOU Northern Police District at QCPD Station 4 na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek na kinilalang sina Diane Crisistomo y Bartolome, 36-anyos; Jhen Sanchez y Perez, 30-anyos; Bernadeth Deguzman Y Arevalo, 35-anyos; Julieta Joseph y Basilio, 42-anyos; at Melvin Pacia y Dela Cruz, 30–anyos.
Narekober sa mga suspek ang 25 pirasong iba’t ibang relo gaya ng rolex, omega, tag heuer, fossil at Gucci, gintong mga hikaw, ilang maliliit na piraso ng diamond, 5 pares ng diamond earing, 12 iba’t ibang cellphone, 1 pocket wifi at P66,000 halaga ng pera.
Sa karagdagang imbestigasyon, napag-alaman na ang mga suspek ay miyembro ng Dugo-Dugo gang na nag-o-operate sa Metro Manila.
Ang mga suspek pati na ang mga narekober na ebidensiya ay dadalhin sa QCPD Station 4 para sa isasagawang inventory.
Mahaharap ang limang suspek sa kasong swindling at paglabag sa anti-fencing law.
